Nagdadalawang isip si Partido Reporma president bet Senador Panfilo Lacson sa kanyang posisyon sa panukalang muling ibalik ang parusang kamatayan sa bansa dahil sa isyu ng maling sentensiya.

“Ako mismo ngayon nagdadalawang isip kasi alam mo merong mga true to life stories, accounts sa ibang bansa na na-execute nang walang kasalanan,” pahayag ni Lacson sa panayam sa radyo.

Isa si Lacson sa 10 senador na naghain ng death penalty bill na kasalukuyang nakabinbin sa Senado.

Ayon kay Lacson, kailangang pag-aaralang mabuti ang panukala na muling buhayin ang capital punishment sa bansa.

“Ito yung dapat pag-aralang mabuti, ano ang mas matimbang, yung magiging biktima ng mga kriminal na talagang notorious o yung isa namang mapaparusahan, makikitilan ng buhay pero after all, malalaman pala na walang kasalanan,” sabi ni Lacson.

“Dapat timbangin natin mabuti yun,” dagdag pa nito.

Noong 2019, naghain si Lacson ng isang panukala na muling ibalik ang parusang kamatayan sa gitna na patuloy na pagtaas na krimen sa bansa.

Sa ilalim ng panukala ni Lacson, ang mga krimen na papatawan ng kamatayan ay ang mga sumusunod: treason, qualified piracy, qualified bribery, parricide, murder, infanticide, rape, kidnapping and illegal detention, robbery with violence and intimidation of persons, destructive arson, human trafficking, at iba pa.

Nakasaad din sa kanyang panukala na patawan ng death penalty ang gumagawa ng plunder drug-related activities at terorismo. (Dindo Matining)

The post Ping sa death penalty: ‘Pag-aralang mabuti’ first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/ping-sa-death-penalty-pag-aralang-mabuti/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=ping-sa-death-penalty-pag-aralang-mabuti)