Muling nanawagan si Senador Win Gatchalian sa mga telecommunications companies at mga bangko na paigtingin ang kanilang redress mechanisms at information security measures upang tugunan ang cyber heists lalo na ngayong nalalapit na ang kapaskuhan.

Isa kasi sa mga anyo ng cyber crime na isinasagawa ngayon ng mga kawatan ay ang tinatawag na subscriber identity module swap scam o SIM swap scam.

Naiparating sa media ang isang insidente kung saan nanakawan ang isang maybahay ng P1.7 million sa kanyang credit card pagkatapos ma-hack ng mga kawatan ang kanyang SIM card at maisagawa ang iligal na online credit card transaction.

Batay sa salaysay ng biktima, may natanggap siyang tawag mula sa isang unregistered number. Tinanggap niya ang tawag pero wala umano siyang nakausap sa kabilang linya.

Habang hinihintay raw niyang sumagot ang tumawag sa kanya, dito na siya nagduda. Pagkatapos niyan, hindi na rin daw makontak ang kanyang numero at noong inireport niya ang insidente sa telecom company, doon na nalamang nailipat na sa ibang tao ang kanyang numero. Ang insidenteng ito ay iniimbestigahan na ng National Bureau of Investigation (NBI).

“Obligasyon ng mga telcos at bangko na bigyan ng mas matibay na proteksyon ang mga konsyumer at isaalang-alang ang pagtaas ng bilang ng digital transactions simula noong pumutok ang pandemya,” sabi ni Gatchalian.

Sa kanyang inihain na Senate Bill 2287 o panukalang Financial Products and Services Consumer Protection Act, layon nitong palawakin ang kapangyarihan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at iba pang financial regulators katulad ng Securities and Exchange Commission (SEC), Insurance Commission (IC) at ng Cooperative Development Authority (CDA) para magsagawa ng mga kaukulang hakbang na layong lalong magproprotekta sa kapakanan ng publiko.

Sa ilalim nito, ani Gatchalian, makakaasa ang mga konsyumer ng agaran at mas maaasahang proseso sa pagkakaroon ng kaukulang kompensasyon batay sa pamantayan ng financial regulators. Maiiwasan din ng mga konsyumer ang pagsasampa ng reklamo sa korte para lamang igiit na ibalik ng financial service provider ang nawala nilang pera.

“Ang seguridad ng impormasyon ay responsibilidad hindi lang ng anumang institusyon kundi pati na rin mismo ng publiko. Ang bawat isa ay dapat maging mapanuri sa pagbibigay ng kanilang personal na impormasyon o sa pagbabahagi nito sa iba,” sabi ni Gatchalian.

“Dala ng pangangailangan, asahan na natin ang paglobo ng mga iligal na gawain ng mga hackers. Obligasyon ng mga kumpanyang nagbibigay serbisyo sa mga online transactions na siguruhing protektado ang mga kliyente nila,” dagdag pa ng senador. (Dindo Matining)
Erik Santos bigong maging dyowa si Angeline Quinto

The post Proteksyon ng mga konsyumer vs SIM swap scam, paigtingin – Gatchalian first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/proteksyon-ng-mga-konsyumer-vs-sim-swap-scam-paigtingin-gatchalian/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=proteksyon-ng-mga-konsyumer-vs-sim-swap-scam-paigtingin-gatchalian)