Umabot na umano sa 231 ang bilang ng mga diplomatic protest na inihain ng Pilipinas laban sa China mula 2016 dahil sa pagiging agresibo nito sa West Philippine Sea (WPS).

Ito ay ayon sa ulat ni Department of Foreign Affairs (DFA) Assistant Secretary Eduardo Meñez sa kanyang text message sa mga taga-media.

Aniya, ang nabanggit na bilang ay mga protestang inihain mula nang umupo si Pangulong Rodrigo Duterte hanggang nitong Nobyembre 18.

Ang pinakahuling protestang inihain umano ng Pilipinas kontra China ay ang nangyaring pagharang at pagbomba ng water cannon ng ilang barko ng Chinese coast guard sa dalawang bangka ng Pilipinas na magdadala lamang ng supply sa Ayungin Shoal noong nakaraang linggo.

Kinondena na ng pamahalaan, maging ng ibang malalaking bansa, ang ginawang ito ng China.

At nitong Martes ay nakapagdala muli ng supply sa Ayungin Shoal nang ‘di hinaharang ng mga Chinese. (mjd)

The post Protesta vs China ng Duterte admin 231 na – DFA first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/protesta-vs-china-ng-duterte-admin-231-na-dfa/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=protesta-vs-china-ng-duterte-admin-231-na-dfa)