Inilabas na ng Department of Health (DOH) ang mga panuntunang susundin sa paglarga sa pagtuturok ng booster shot sa mga healthcare worker, kung saan isa sa mga nakalista ay maaari nang mamili ng brand ng bakuna para sa booster shot na ituturok.

Ang mga inaprubahang iturok bilang booster shot ay Pfizer, Sinovac, AstraZeneca at Moderna.

Kung hindi naman mamimili ng brand, kung ano ang bakunang itinurok sa unang dalawang dose ang siyang ituturok.

Kahit maaaring mamili, may ilang inaprubahang ‘brand mixing’ ang mga eksperto.

Kung ang unang dalawang dose ng bakuna ay Sinovac, ang mga pwedeng iturok na booster shot ay AstraZeneca, Pfizer at Moderna.

Para naman sa mga AstraZeneca ang unang itinurok, Pfizer at Moderna lamang ang pwedeng ibakuna bilang booster shot.

AstraZeneca at Moderna lang ang pwedeng ihalo sa mga nabakunahan ng Pfizer habang para sa mga Moderna ang unang dalawang dose, AstraZeneca at Pfizer lang ang pwedeng ihalo bilang booster shot.

Bukod dito, sakali umanong gusto ng isang healthcare worker na mamili ng brand, dapat siyang magsabi agad sa vaccination site.

Karamihan sa mga healthcare worker ay nabakunahan ng Sinovac sa kanilang unang dalawang dose.

Ngayong Miyerkoles naman ang paglarga sa pagtuturok ng booster shot para sa mga healthcare worker. (mjd)

The post Pwede maging choosy sa brand ng booster shot – DOH first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/pwede-maging-choosy-sa-brand-ng-booster-shot-doh/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=pwede-maging-choosy-sa-brand-ng-booster-shot-doh)