Opisyal ng nagpaalam si Secretary Harry Roque bilang Presidential Spokesman sa kanyang huling press briefing ngayong Lunes para tumakbo sa pagka-senador sa 2022 elections.

Sinabi ni Roque na nagawa na niya ang kanyang trabaho at masaya siyang iiwan ang posisyon na ipinagkatiwala sa kanya ni Pangulong Rodrigo Duterte.

“Ito na po ang huling araw na makakasama nyo ako bilang inyong Presidential Spox, IATF Spox, at Spox ng bayan. Masaya akong mission accomplished na po tayo, iiwan ko ang trabaho ko na mas mabuti kumpara sa ating nadatnan,” ani Roque.

Nagpaalam na aniya siya kay Pangulong Duterte at maging kay Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio at nangakong magiging action man sa Senado sakaling palarin ito sa darating na halalan.

Hindi naman binanggit ng kalihim kung sino ang papalit sa kanya na magiging tagapagsalita ng MalacaƱang.

“Nagpaalam na ako kay Pangulong Rodrigo Duterte at kay Mayor Sara para sa panibagong hamon na aking haharapin mula sa inyong pagiging spox ay nais kong maging action man sa senado,” dagdag ni Roque.

Matatandaang bumalik ang kalihim bilang tagapagsalita ng Palasyo sa gitna ng pandemya noong nakalipas na taon para magbigay ng mga impormasyon sa panahon ng kalituhan sa COVID-19 pandemic.

Sinabi ni Roque na magiging adbokasiya niya sa pagtakbo bilang senador ang pagbibigay-proteksiyon sa hanapbuhay sa gitna ng pandemya at sa magiging epekto niyo sa hanapbuhay ng maraming Pilipino.

“Poprotektahan natin ang hanapbuhay. Hindi pupuwede na habang may pandemya ay mawawala naman ang hanapbuhay ng marami sa atin. Dahil magtatagal pa ang epekto ng COVID, kinakailangan mabuhay tayo kasama ang COVID. Kaya palagi ko pong sinasabi, mag-ingat buhay para sa hanapbuhay,” wika ni Roque.

Ito aniya ang dahilan kung bakit babalik siya sa larangan ng pulitika at babalik sa Kongreso para mapangalagaan ang hanapbuhay ng mga Pilipino. (Aileen Taliping)

The post Roque nagbitiw na bilang presidential spox first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/roque-nagbitiw-na-bilang-presidential-spox/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=roque-nagbitiw-na-bilang-presidential-spox)