Nabigong maging miyembro ng International Law Commission (ILC) si Presidential Spokesperson Harry Roque.

Ang 34-member ILC ay binubuo ng mga eksperto na tumutulong sa pagbuo at pag-codify ng international law.

“My candidature at the ILC was a challenging campaign throughout but we met it head on. Unfortunately, we did not succeed,” anunsyo ni Roque sa Facebook.

https://www.facebook.com/HarryRoque/posts/479280983554109

Isinagawa ang eleksyon para sa mga bagong miyembro ng ILC sa pamamagitan ng secret ballot sa 32nd meeting ng United Nations General Assembly sa 76th session noong Nov. 12, 2021.

Kinabibilangan ang mga bagong miyembro ng siyam na mamamayan mula sa African States, walong mula sa Asia-Pacific States, tatlo mula sa Eastern European States, anim mula sa Latin American at Caribbean States, at walo mula sa Western European at iba pang State.

Napabilang si Roque sa 12 nominees mula sa Asia-Pacific States.

Nakakuha ng may pinakamaraming boto si Bimal Patel ng India (163) kasunod si Vilawan Mangklatanakul ng Thailand (162).

Matatandaang nasa 152 abogado ang nagpetisyon para tutulan ang nominasyon ni Roque sa ILC dahil sa kredibilidad nito.

Binanatan ng mga abogado ang pagkunsinti umano ni Roque sa extrajudicial killings, pag-atake sa rule of law at due process, maging sa hindi malinaw na pananaw nito sa human rights sa kasalukuyang administrasyon.

Sinabi naman ni Roque na iisang grupo lang ang mga abogadong nagpetisyon na aniya ay mga talunan sa nakalipas na eleksiyon at mga personalidad na wala nang ginawa kundi kontrahin ang mga ginagawa ng Duterte administration.

The post Roque sawi sa ILC first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/roque-sawi-sa-ilc1/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=roque-sawi-sa-ilc1)