Ipinatitiyak ng isang solon sa Department of Energy (DOE) na hindi magkakaroon ng aberya ang operasyon ng Malampaya sa pagpapalit ng operator nito.

Ayon kay House Committee on Good Government and Public Accountability vice chairperson at Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel Jr., ang pagkabalam ng operasyon ng Malampaya ay maaaring makaapekto sa suplay ng kuryente ng bansa.

Ang Malampaya ang nagsusuplay ng gas sa mga planta ng kuryente na pinanggagalingan ng 20% ng electricity demand ng bansa.

“We are counting on a smooth handover with zero disruption to Malampaya’s vital gas operations,” sabi ni Pimentel.

Simula sa Enero 1, 2022, ang Malampaya Energy XP Pte Ltd., isang subsidiary ng Udenna Corp., na ang magooperate sa Malampaya matapos na ibenta ng Shell sa halagang $460 milyon ang 100% share nito sa Shell Philippines Exploration B.V. (SPEX).

Ang SPEX ang may hawak ng 45% ng operating interest sa Malampaya sa ilalim ng Service Contract 38.

Ikinalugod naman ni Pimentel ang desisyon ng Udenna na kunin ang mga opisyal ay staff ng SPEX na indikasyon umano na magpapatuloy ang operasyon nito sa kanila ng pagpapalit ng operator.

Sinabi naman ni Pimentel na hindi na nakakagulat na mayroong mga kandidato na nag-iingay kaugnay ng bentahan para umano sumikat.

Kung mapapansin umano, ang nasa top six sa mga senatorial survey ay tahimik sa isyu.

Sinabi naman ni Pimentel na mas interesado ang Kamara de Representantes sa nagaganap sa mas malaking Sampaguita gas discovery na matatagpuan 250 kilometro sa timog-silangan ng Malampaya.

Batay sa datos ng DOE, sinabi ni Pimentel na dapat dalawang offshore appraisal well na ang nahukay hanggang sa Oktobre 16, 2022.

Dapat umanong makahanap ng mga bagong mapagkukuhanan ng langis ngayong numinipis na ang suplay ng Malampaya na posibleng hanggang 2027-2029 na lamang tumagal.

Ang PXP Energy Corp., sa pamamagitan ng Forum Energy Ltd, ang may hawak ng 70% ng operating interest sa Service Contract 72, kung saan nakapaloob ang Sampaguita.

Batay sa pagtataya, ang Sampaguita ay mayroong 2.6-3.4 trilyong cubic feet ng gas at 440 milyong bareles ng langis. (Billy Begas)
Erik Santos bigong maging dyowa si Angeline Quinto

The post Solon: Walang patid na operasyon ng Malampaya tiyakin first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/solon-walang-patid-na-operasyon-ng-malampaya-tiyakin/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=solon-walang-patid-na-operasyon-ng-malampaya-tiyakin)