Balak ni Senador Win Gatchalian na maghain ng panukalang batas na mag-aamyenda sa konstitusyon upang imandato ang “tandem vote” sa ihahalal na presidente at bise presidente nito tuwing halalan.

Ayon kay Gatchalian, napapanahon na para gayahin ang pinaiiral sa Estados Unidos sa pagboto ng presidente at bise presidente upang masiguro na ang maluluklok na dalawang pinakamataas na opisyal ng bansa ay manggagaling sa hanay ng pareho o magkaalyadong partido.

“Dapat gawing tandem ang pagboto sa president at vice-president. Sa pagpili ng presidenteng iboboto, kasama na dapat sa konsiderasyon ang napiling running mate nito sa pagka bise presidente,” sabi ng senador.

Unang-una, sinabi ni Gatchalian na dapat mas maigi na magkapareho ang platapormang sinusulong ng presidente at bise presidente para manatiling buo o solido ang pagpapatakbo ng administrasyon.

“Pangalawa, kung magkaalyado sila at sakaling may mangyari sa presidente, maipagpapatuloy ng bise ang nasimulan ng presidente,” paliwanag ni Gatchalian.

“Sa ganitong paraan, magiging base sa plataporma ang pagpili sa mga susunod na lider at hindi sa personalidad,” dagdag pa nito.

Aminado si Gatchalian na maaari lamang ikonsidera ang pagsasabatas nito sa mga susunod na halalan dahil wala nang sapat na panahon lalo na’t ilang buwan na lamang ang nalalabi bago ang eleksyon sa Mayo 2022.

“Hindi na mangyayari ito sa darating na halalan dahil kulang na sa oras. Gusto ko lang buksan ang paksang ito para pag-aralan ng mga susunod na lider ng bansa,” sabi ng senador.

Sa halip na split voting na nakagawian na ng mga botante sa bansa, sinabi ni Gatchalian na mas magiging madali ang pagboto kung single ticket na lang. Nangangahulugan itong bitbit na ng sino mang inihalal na presidente ang boto para sa kanyang running mate sa pagka bise presidente.

Sa ilalim ng Section 4 Article VII ng Konstitusyon, nakasaad dito na “Ang Pangulo at ang Pangalawang Pangulo ay dapat mahalal sa pamamagitan ng direct vote at may terminong anim na taon na magsisimula ng alas dose ng tanghali ng ika-tatlumpung araw ng Hunyo pagkatapos ng araw ng halalan at magtatapos sa katanghalian ng parehong petsa pagkaraan ng anim na taon.” (Dindo Matining)

The post ‘Tandem vote’ sa pagboto ng presidente, VP isusulong ni Gatchalian first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/tandem-vote-sa-pagboto-ng-presidente-vp-isusulong-ni-gatchalian/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=tandem-vote-sa-pagboto-ng-presidente-vp-isusulong-ni-gatchalian)