Pinagsabihan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga magulang at guardian ng mga bata edad 11 pababa na huwag munang ilabas ang kanilang mga anak para sa kanilang kaligtasan laban sa COVID-19.

Sa kanyang Talk to the People, binanggit ng Pangulo ang sinapit ng dalawang taong gulang na bata na tinamaan ng COVID-19 matapos ipasyal sa mall ng magulang .

Naiintindihan aniya nito ang kagustuhan ng mga magulang na ipasyal ang mga anak dahil sa matagal na lockdown pero isipin aniya na maliit pa ang mga ito, hindi bakunado at walang depensa laban sa COVID-19.

“Isipin ninyo kung maliliit pa ang mga anak ninyo at hindi pa bakunado, do not expose them to the virus. Wala pa silang depensa. They have no defense mechanism in their system or body sa COVID-19,” anang Pangulo.

Dahil dito, hinikayat ng Pangulo ang lahat ng local government units (LGUs) na ikonsidera ang pagpasa ng ordinansa para ipagbawal ang pagpasok ng mga bata sa mall.

Hindi aniya hahayaan ng gobyerno na makompromiso ang kaligtasan ng mga batang edad onse pababa sa banta laban sa COVID-19 na nasa mga pampublikong lugar.

“I am calling all local government units to consider passing ordinances for age restriction among minors who can be allowed to go to the malls,” dagdag ng Pangulo.

Mismo aniyang ang Inter-Agency Task Force at National Task Force Against Covid -19 ay hindi pinapayagan ang mga batang 11 pababa na gumala at lumabas.

Pinaalalahanan din ni Pangulong Duterte ang mga magulang at guardians na hindi pa bakunado na isipin ang kaligtasan ng kanilang mga anak na posibleng mameligro sa COVID-19.

“To the parents, to the guardians of minors who are unvaccinated, please be mindful of the risk. Part of caring them is thinking about their safety . I hope no one among our children will get COVID-19,” wika ng Pangulo. (Aileen Taliping)

The post Tsikiting 11-anyos pababa ‘wag muna ilabas – Duterte first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/tsikiting-11-anyos-pababa-wag-muna-ilabas-duterte/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=tsikiting-11-anyos-pababa-wag-muna-ilabas-duterte)