Ikinuwento ni AnaKalusugan party-list Rep. Mike Defensor ang isa sa mga ‘di niya malilimutang tagpo sa kanyang pagiging ama – ang pag-amin ng kanyang anak na lalaki na ito ay isang bakla.

Inalala ni Defensor ang naturang tagpo kasabay ng kanyang paglalahad na dapat proteksyonan laban sa diskriminasyon ang mga miyembro ng LGBT community.

“At that time umiiyak, sabi nung aking panganay si Mikee…. sabi niya ‘Dad pwede ka ba namin maka-usap’ sabi ko ‘Oo naman’…. sabi niya… “mamaya tatawagin ka namin,” kwento ni Defensor.

“Nung tinawag po nila ako nakita ko medyo namumugto yung mga mata, galing sa iyakan akala ko naman dahil maghihiwalay-hiwalay sila dahil yung aking anak ay lilipad ulit at mag-aaral nga po abroad.”

Dugtong pa ni Defensor, hindi kinaya ng kanyang lalaking anak na si Miguel na ilabas ang nasa loob nito kaya’t ang babae niyang anak na si Mikee ang naglakas-loob na sabihin sa kanya ang totoo.

“Sabi ko anong problema Mikee ano sabihin mo sakin? Sabi ng anak ko Dad si Miguel is gay.”

Sa halip na magalit o madismaya, tinanggap ni Defensor ang anak na si Miguel.

“Ang immediate reaction ko po, kinuha ko yung anak ko at niyakap ko siya,” ayon sa mambabatas.

Hindi rin umano nagbago ang pagtingin ni Defensor kay Miguel, na ngayon ay Mel na ang kanilang tawag.

Bilang mambabatas, si Defensor ay isa sa may-akda ng Sexual Orientation or Gender Identity or Expression (SOGIE) bill. (mjd)

The post Ulirang ama: Defensor niyakap, tinanggap anak na beki first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/ulirang-ama-defensor-niyakap-tinanggap-anak-na-beki/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=ulirang-ama-defensor-niyakap-tinanggap-anak-na-beki)