Hindi gagawa ng personal na pag-atake si Anakalusugan Rep. Mike Defensor laban sa kanyang karibal sa 2022 elections.

Sinabi ni Defensor na mas gugustuhin niya pang punahin ang mga patakaran ng pamahalaan ng Quezon City na sa tingin niya ay hindi ikabubuti ng kanyang mga nasasakupan.

“Kasi mali, kahit na ho sa US, bantayan nyo ang Democrats at Republican nagdedebate sila on the question of policy, never personal,” pahayag nito.

Binigyang-diin ni Defensor na kailangang unahin ang interes ng mga nasasakupan sa paggawa ng patakaran.

“Hindi ako magsasalita ng masama sa kanya o personal sa kanya pero sa governance. Sa pagpapatakbo ng gobyerno, sa priority sa gobyernong ito, sa ginagawa natin dyan magdedebate kami isama na nya yung abogado niya, isama niya yung buong konseho nya lalabanan ko sila haharapin ko sila sa mga maling polisiya na nangyayari ngayon sa ating lungsod,” dagdag pa ni Defensor.

Nauna rito, binatikos ni Defensor ang umano’y pagbili ng Quezon City government ng overpriced na ayuda packs kaya nililimitahan ang bilang ng mga benepisyaryo, ang hindi pagbibigay ng tablets sa lahat ng estudyante sa pampublikong elementarya at high school sa kabila ng malaking budget para sa edukasyon, at ang ordinansang nagtataas ng valuation ng ari-arian, na siya namang magtataas ng buwis sa real property. (Sherrylou Nemis)

The post Walang personalan! Defensor pinuna maling pamamalakad sa QC first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/walang-personalan-defensor-pinuna-maling-pamamalakad-sa-qc/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=walang-personalan-defensor-pinuna-maling-pamamalakad-sa-qc)