Lumabas sa World Bank (WB) report, na siyam sa sampung bata sa Pilipinas na edad 10 ay hindi nakakabasa.

Tumaas ang “learning poverty” sa Pilipinas o iyong mga hindi nakakabasa at hindi naiintindihan ang isang simpleng teksto sa edad na 10 sa 90% dahil sa pandemya, kung saan napilitan ang mga estudyante na sa bahay mag-aral at umasa sa pagsagot ng module, panonood ng telebisyon o pakikinig sa radyo para sa mga aralin.

Sa edad na nabanggit, dapat umanong makapagbasa na ang bata dahil ang pagbabasa ay isang pintuan para sa pag-aaral ng iba pa tulad ng matematika, agham at humanities.

Nadiskubre rin sa WB report na may pamagat na “Remote Learning During COVID-19: Lessons for Today” na as of March 2021, 20 porsiyento lamang ng mga kabahayan na may estudyante ang sakop ng distance schooling – na pinakamababang rating, kabilang ang Ethiopia.

Taong 2019, bago pa man tumama ang pandemya, nasa 69.5% na umano ang “learning poverty” sa bansa.

Kabilang sa tinukoy na dahilan nito ang mahabang lockdown at kawalan ng internet o mabagal na connection, kung saan sa taya ng WB, 26.9% lamang ng mga estudyante sa Pilipinas ang may access sa internet.

Napansin din ng World Bank na ang engagement ng mga bata sa distance learning ay karaniwang mababa kung saan ang mga magulang o guardian ay hindi nakapag-aral.

The post WB: Karamihan ng batang Pinoy hindi marunong magbasa first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/wb-karamihan-ng-batang-pinoy-hindi-marunong-magbasa1/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=wb-karamihan-ng-batang-pinoy-hindi-marunong-magbasa1)