Patay ang isang 12-anyos na lalaki habang sugatan ang isa pang binatilyo sa isang pagsabog sa tabing dagat ng Barangay Rio Hondo, Zamboanga City noong Lunes.

Kinilala ang nasawing biktima sa pangalang Erickson. Samantala, ang sugatang biktima ay kinilala sa pangalang Jovan.

Ayon sa ulat ng mga awtoridad, bigla na lamang silang nakarinig ng pagsabog sa may tabing-dagat, at pagresponde umano nila ay tumambad na sa kanila ang bangkay ni Erickson.

Batay umano sa testimonya ng isa pang kasama nina Erickson, nakapulot sila ng isang hugis ‘tube’ na bagay habang naliligo sa dagat.

Isa umano sa tatlo ang nagbato ng napulot nilang bagay sa pader at sumabog ito.

Hindi pa umano nadidiskubre ng mga awtoridad ang uri ng pampasabog na kumitil kay Erickson.

Samantala, pinaghihinalaang ang pampasabog – kung ano man ito – ay natira sa naging bakbakan sa Zamboanga noong 2013.

The post 12-anyos dedo sa napulot na pampasabog first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/12-anyos-dedo-sa-napulot-na-pampasabog/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=12-anyos-dedo-sa-napulot-na-pampasabog)