Pinasalamatan ni Caloocan City Rep. Along Malapitan ang mamamayan ng lungsod sa patuloy na suportang ibinibigay ng mga ito sa kanya.

Ito ay bunsod ng muling pangunguna ni Malapitan sa panibagong survey na isinagawa ng Issues and Advocacy Center (The CENTER) at inilabas nitong katatapos na buwan ng Nobyembre.

“Ako po ay taus-pusong nagpapasalamat sa kumpiyansang patuloy ninyong ipinapakita sa inyong abang-lingkod. Alam natin na mahaba pa ang ating lalakbayin upang tuluyang maisakatuparan ang hangarin natin na lalong mapabuti at mapaganda ang Caloocan City. Ito pong survey, kung saan isinasa-tinig ninyo ang inyong pagtitiwala sa ating mga ginagawa, ay napakalaking bagay upang ako at ang ating mga kasamahan sa paglilingkod ay lalo pang magpatuloy at pagbutihin ang pag-abot at pagtugon sa pangangailangan ng bawat mamamayan ng lungsod,” sabi ni Malapitan.

Sa isina-publikong resulta ng limang araw na “Pulso ng Pilipino” survey na isinagawa ng The Center mula Nobyembre 16 hanggang Nobyembre 20, nakakuha si Malapitan ng 59 percent na voter’s preference. Ito ay 35 percent na mas mataas sa 24 percent na nakuha ni Rep. Edgard Erice.

Sinabi ni Ed Malay, direktor ng The Center, masyadong malaki ang nairehistrong kalamangan ni Malapitan laban sa katunggali nitong si Erice na matunog na magkakaharap sa pambansang halalan sa Mayo 2022.

Aniya pa, hindi na sapat ang panahon para kay Erice upang makahabol kay Malapitan kung pagbabasehan ang isa hanggang dalawang porsyentong pag-angat nito sa mga survey.

Kabilang sa sinasabing dahilan ng patuloy na pagbagsak ng tiwala ng mga taga-Caloocan kay Erice, na inaani naman ni Malapitan, ay ang pag-ayaw ng mga kabataan o iyong mga kabilang sa henerasyong GenZ, millennials at digital natives sa matandang kongresista.

Samantala, siniguro ni Malapitan na ipagpapatuloy niya ang progresong itinanim ng kanyang amang si Mayor Oscar “Oca” Malapitan at hindi lamang aniya niya lalong pagbubutihin ang serbisyo kundi dadagdagan pa ang mga programa at proyekto sa Caloocan upang patuloy na umunlad ang kabuhayan ng mamamayan at ekonomiya ng Caloocan City.

“Malawak ang pangarap natin sa ating lungsod. Tulad ng pagkaraniwang magulang ay nais ko rin na lumaki at mamuhay ang aking mga anak sa isang siyudad na malinis, ligtas, payapa at maginahawa. Kaya nga ang lagi nating sinasabi, tao ang una dahil mayroon tayong aksyon at malasakit,” saad ni Malapitan. (Dindo Matining)

‘Papa P’ Piolo Pascual hinimas ang Abante reporter, kinilig!

The post Agwat ni Along Malapitan kay Erice lalong lumayo first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/agwat-ni-along-malapitan-kay-erice-lalong-lumayo/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=agwat-ni-along-malapitan-kay-erice-lalong-lumayo)