Upang tulungan ang libu-libong pamilyang nasalanta ng bagyong Odette sa Southern Leyte, nagpadala ng 25,000 kilo ng premium quality na bigas ang Ako Bicol party-list sa Maasin City ngayong bisperas ng Pasko.

Lulan ng dalawang 10-wheeler truck, ang bigas ay personal na tinanggap ni Maasin Mayor Nikko Mercado. Nakatakda itong ipamahagi sa mga biktima ng bagyo.

Ang pagpapadala ng ayudang bigas ay agad ipinag-utos ni AKB Rep. Zaldy Co matapos mag-iwan ng malawakang pinsala ang super typhoon sa Mindanao at Visayas.

Ayon kay Co, itinuturing ng AKB na mabuting kapitbahay ang lalawigan ng Leyte kaya’t agaran ang tulong na ipinadala ng partido sa naturang lugar.

Maaalala na noong 2013, isa ang Ako Bicol party-list sa mga first responder sa Leyte at Tacloban matapos itong wasakin ng bagyong Yolanda.

Sa pamamagitan ni Rep. Co, nagpadala ang AKB ng 20 dump trucks at heavy equipment para sa road clearing operations, fuel tankers at maging mga electricians at cooks para tumulong sa relief operations at rehabilitation ng lalawigan.

The post Ako Bicol nagpadala ng 25,000 kilong bigas sa Southern Leyte first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/ako-bicol-nagpadala-ng-25000-kilong-bigas-sa-southern-leyte/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=ako-bicol-nagpadala-ng-25000-kilong-bigas-sa-southern-leyte)