Nanindigan si Angeline Quinto na hindi niya isasapubliko ang pagkakakilanlan ng ama ng kanyang ipinagbubuntis.

Ito ang sagot ng singer sa kanyang vlog na inilabas nitong Linggo, kung saan itinanggi rin niya na ikinakahiya niya ang lalaki.

“Ang daming nagsasabi na bakit daw hindi pa ipakilala, bakit daw kailangang itago, baka raw ikinakahiya ko — hindi ko ho gagawin ‘yon,” saad ni Angeline. “Wala akong ikinahiyang tao, kahit sino, tandaan niyo ‘yan, at bakit ko gagawin sa tatay ng magiging anak ko?”

Ani Angeline, mismong ang kanyang partner ang may kagustuhan na huwag siyang pangalanan.

“‘Yung tatay naman din talaga ng magiging baby ko, siya din talaga mismo, kumbaga ayaw niya po talaga ng showbiz. Mas gusto lang talaga namin sana na mai-treasure itong moment na ito nang sa amin lang,” wika pa ng singer.

Matatandaang noong Disyembre 10 ay inanunsyo ni Angeline na siya ay ilang buwan nang buntis, bagamat hindi niya pinangalanan ang ama ng kanyang magiging sanggol.

The post Angeline tuloy sa pagsikreto sa erpat ng kanyang baby first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/angeline-tuloy-sa-pagsikreto-sa-erpat-ng-kanyang-baby/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=angeline-tuloy-sa-pagsikreto-sa-erpat-ng-kanyang-baby)