Hindi na makakatawid sa susunod na round ng AFF Suzuki Cup ang Philippine Azkals matapos mabigo kontra Thailand, 1-2, sa kanilang Group A match nitong Martes sa Singapore.

Dalawang goal mula kay Teerasil Dangda ang nagbaon sa Azkals sa limot.

Sinimulan ni Dangda ang ratsada ng Thais sa kanyang goal sa 26th minute mula sa magandang pasa ni Theerathon Bunmathan.

Hindi naman sumuko ang Azkals at pagdating ng 57th minute ay sumagot ng panablang goal si Patrick Reichelt.

Gayunman, tinawagan ng foul sa penalty area ang Pinoy defender na si Amani Aguinaldo, na siyang naging daan para makaiskor si Dangda sa isang penalty kick sa 76th minute.

Hindi na nakabangon pa ang Azkals.

Dahil sa pagkatalo, kinapos sa torneo ang Pinoy squad bagamat may laban pa sila kontra Myanmar sa Sabado.

The post Azkals ligwak na sa Suzuki Cup first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/azkals-ligwak-na-sa-suzuki-cup/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=azkals-ligwak-na-sa-suzuki-cup)