Abot-kayang gadget lang ang katapat ng malawakang at tahasang smuggling ng produktong agrikultura na makakapagsalba ng libo-libong trabahong bukid, ayon kay Senator Joel Villanueva.

Paliwanag ni Villanueva, chairman ng Senate labor committee, maaaring gayahin ng Bureau of Customs (BOC) ang ginawa ng PNP na nagsimula nang magsuot ng tinatawag na “bodycams” habang nagsasagawa ng raid o inspeksyon sa mga inaangkat na pagkain mula sa ibang bansa.

“Kung may video recording ng operasyon ng Customs, mapo-protektahan po ang mga lokal na magsasaka laban sa hindi patas na kalakaran sa kalakalan,” ani Villanueva.

“Yung pulis nga na nanghuhuli ng mandurukot na tumangay ng isang cellphone, may body cam eh. Dapat ganun rin po ang Customs police na magbubukas ng container van na puno ng bawang, sibuyas, karne ng baboy, at iba pang mga produkto na kadalasang pinupuslit ng mga smuggler,” dagdag pa niya.

Sabi pa ng senador, ida-download lamang ang footage ng pag-aresto sa mga may-sala at maaari na itong magamit sa kanilang prosekusyon.

“At dahil may suot na bodycam, magdadalawang-isip rin po ang Customs officer na may suot nito na labagin ang batas,” sabi ni Villanueva.

“Anti-kotong at anti-suhol device na ito. Kung may ipapalusot ka, at nakita mong may bodycam ang nag-iinspeksyon ng kargamento mo, madali pong mababawasan ang mga magtatangkang manuhol,” dagdag pa nito.

The post BOC dapat gumamit ng body cams kontra smuggling – Villanueva first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/boc-dapat-gumamit-ng-body-cams-kontra-smuggling-villanueva/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=boc-dapat-gumamit-ng-body-cams-kontra-smuggling-villanueva)