Humingi si Senador Christopher “Bong” Go sa kanyang mga supporter ng pang-unawa kasunod ng kanyang pag-urong sa presidential race kasabay ng pagsabing ang kaniyang desisyon ay para sa interest ni Pangulong Rodrigo Duterte at kaniyang pamilya.

“Higit pa po sa tatay ang turing ko kay Pangulong Duterte. Marami na po siyang nagawa para sa ating bayan. Ang dami na po niyang sakripisyong ginawa para sa ating bayan. And it’s time for me to sacrifice, gagawin ko po ‘yan dahil mahal ko po si Pangulo, mahal ko po ang ating mga kababayan,” sabi Go.

“Sana po’y maintindihan niyo rin po ako, may pamilya rin po ako tulad ninyo na inuuwian niyo po. ‘Pag masama at kontra ang pamilya ninyo hindi ba nahihirapan rin po kayong makatulog? Ganoon rin po ang aking nararamdaman,” dagdag nito

Ayon kay Go, ginawa niya ang desisyon para magkaroon siya ng “peace of mind” at binigyang diin nito na patuloy pa rin siyang magseserbisyo sa tao sa kanyang kapasidad bilang senador.

“I want peace of mind rin po pero hindi ibig sabihin na hindi po ako magseserbisyo sa inyo. Patuloy po akong magseserbisyo sa aking kapwa Pilipino dahil mahal na mahal ko po kayong lahat. Mahal na mahal ko po kayong lahat,” sabi pa nito.

Dagdag ni Go, “mixed feelings” ang kanyang nararamdaman para sa kanyang mga supporter na naglaan ng oras at effort para sa kanya.

“Mixed feelings po, peace of mind, mayroon. Pero sumasakit din po ang aking dibdib dahil siyempre may mga supporters nating umaasa,” ayon kay Go.

“Hayaan niyo po, samahan niyo na lang po kami ni Pangulong Duterte na piliin po ‘yung makakapagpatuloy, ‘yung mga magagandang programa ni Pangulong Duterte,” pagtitiyak pa nito. (Dindo Matining).

The post Bong Go sa mga supporter: Sana maintindihan niyo ang pag-atras ko first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/bong-go-sa-mga-supporter-sana-maintindihan-niyo-ang-pag-atras-ko/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=bong-go-sa-mga-supporter-sana-maintindihan-niyo-ang-pag-atras-ko)