Nangako si Anakalusugan Party-list Rep. Mike Defensor na sakaling siya ay magwaging alkalde ng Quezon City ay sisiguruhin niya na makikipagtulungan siya sa pamahalaan upang matanggap ng mga senior citizen sa lungsod ang kanilang P500 na buwanang pensyon.

Ito ang ipinangako ni Defensor nang kanyang nadiskubre na marami sa mga mahihirap na senior citizen sa Quezon City ang hindi nakakatanggap ng kanilang buwanang pensyon na nasa ilalim ng Expanded Senior Citizens Act.

“Ito naman po ang tanong ko sa inyo, sa ating senior citizens, sa ilalim ng batas kailangan tumanggap kayo ng P500 buwan-buwan, natatanggap nyo ho ba?” pahayag ni Defensor kaharap ang mga taga-Barangay Bagbag.

Nang sumagot ang mga senior citizen na hindi nila natatanggap ang kanilang pensyon, muling nagtanong si Defensor: “Kahit singko wala?”

Nang inulit ng mga matatanda ang kanilang sagot na ‘wala,’ dito na nangako ang mayoral candidate.

“Dapat ho matanggap ninyo ang P500 buwan-buwan, yan ho sa ilalim ng batas at may pondo ang gobyernong nasyonal para sa inyo kaya nga po nag-usap kami ni (Councilor) Winnie Castelo at amin pong mga konsehal hindi na kami papayag na ang senior citizens ng Quezon City nahuhuli. Lugi tayo sa Makati, lugi tayo sa Taguig, lugi na nga tayo sa Pasig pati nga Caloocan tinatalo na tayo dapat lahat ng senior citizens ng Quezon City may P500 a month at yan po ay gagawin namin para sa inyo,” wika ng mambatatas.

Sa ilalim ng nasabing batas, ang mga mahihirap na senior citizen na hindi nakakatanggap ng pensyon sa Social Security System o Government Service Insurance System ay makakakuha ng P500 na buwanang pensyon.

The post Buwanang pensyon ng taga-QC sigurado kay Defensor first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/buwanang-pensyon-ng-taga-qc-sigurado-kay-defensor/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=buwanang-pensyon-ng-taga-qc-sigurado-kay-defensor)