Si Energy Secretary Alfonso Cusi ang pangunahing dahilan ng kaguluhan sa ruling party PDP-Laban, ayon kay presidential aspirant Senador Manny Pacquiao.

Sa panayam sa radyo, sinabi ni Pacquiao na si Cusi, namuno sa isang paksyon sa PDP-Laban, ay maraming “vested interest” sa partido.

Ang bangayan sa partido ay nagresulta sa pagbuo ng dalawang grupo, isa ang grupo ni Cusi at President Rodrigo Duterte at ang isa naman ay grupo ni Pacquiao at ni Senador Aquilino “Koko” Pimentel III.

“Ang dahilan dyan ay si Cusi. Siya ang may nakikita natin maraming vested interest dyan. Kalaunan, iniwanan din nila ang partido, wala tuloy tumakbo ng presidente sa partido PDP,” sabi ni Pacquiao sa panayam sa Teleradyo.

Ang kaguluhan sa PDP-Laban ay umabot sa Commission Election at naghihintay ang dalawang paksyon kung sino ang idedeklara sa kanilang lehitimong grupo ng partido.

Dahil naghihintay pa sa desisyon, naghain ang mga standard bearer ng partido ng kani-kanilang certificate of candidacy (COC) sa ilalim ng ibang partido.

Si Pacquiao ay naghain sa ilalim ng Progressive Movement for the Devolution of Initiative (Promdi) habang si Senador Christopher “Bong” Go naman nasa grupo ni Cusi ay naghain ng COC sa pagka-pangulo sa ilalim ng Pederalismo ng Dugong Dakilang Samahan party.

Si Go ay nagpahayag na ng kanyang pag-atras sa pagtakbo sa pagka-presidente. Subalit hindi pa ito nagpupunta sa Comelec para sa opisyal na pag-urong sa kanyang kandidatura sa pagka-pangulo. (Dindo Matining)

The post Cusi dahilan ng bangayan sa PDP-Laban – Pacquiao first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/cusi-dahilan-ng-bangayan-sa-pdp-laban-pacquiao/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=cusi-dahilan-ng-bangayan-sa-pdp-laban-pacquiao)