Sinabi ni Anakalusugan Rep. Mike Defensor na si Quezon City Mayor Joy Belmonte ang may political motivation sa hindi pagpayag na gamitin ang Liwasang Aurora sa loob ng Quezon Memorial Circle (QMC).

Kamakailan, hindi pinayagan ni Belmonte ang mga tagasuporta ni presidential aspirant Ferdinand Marcos Jr., at vice-presidential candidate Davao City Mayor Sara Duterte Carpio na gamitin ang QMC.

“Sa kanya yung political motivation. Simple naman eh bakit si Roxas-Robredo pinayagan nya, pag si Marcos-Inday Sara ayaw nya payagan,” pahayag ni Defensor.

Ito ay matapos na sabihin ng Quezon City government na ang kanyang mga pahayag ay politically motivated.

“The letters will reveal itself kaya nga ang sabi ko it’s either hindi niya alam ang nangyayari o talagang outright nagsisinungaling siya,” dagdag ni Defensor.

Noong Nobyembre 25, sinabi ng chief of staff ni Defensor na si Atty. Ari Ancheta at Malayang Quezon City president Edwin Rodriguez na nakipag-ugnayan sila sa pamunuan ng QMC para rentahan ang Liwasang Aurora dahil inaasahan nilang maraming tao ang magpapakita ng suporta sa Marcos-Sara tandem.

Hindi umano nakareserba ang lugar sa mga araw na kailangan nila ito, ngunit kinabukasan ay nakatanggap umano sila ng text na nagsasabing puno na ang schedule ng Liwasang Aurora para sa Disyembre.

Nang pumunta sina Ancheta at Rodriguez sa QMC Administration sinabihan sila na bawal ang political rally.

Sinabi ni Defensor na hindi sila inabisuhan na bawal ang political activity sa lugar. Wala pang isang taon aniya ay nagsagawa ng aktibidad sa QMC si Robredo.

Dagdag ni Defensor, hindi malinaw sa kanila kung ano ang ibig nilang sabihin sa political activity.

“Who defines political activity? Papaano pagka sila pwede, di ba? Because Quezon City government sila so pwede. Pag iba hindi pwede?” saad nito. (Sherrylou Nemis)

The post Defensor: Ayaw pagamit QMC, Belmonte may motibasyon sa pulitika first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/defensor-ayaw-pagamit-qmc-belmonte-may-motibasyon-sa-pulitika/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=defensor-ayaw-pagamit-qmc-belmonte-may-motibasyon-sa-pulitika)