Isang vlogger ang nagsagawa ng kalye survey sa Quezon City ngunit nagdesisyon siyang itigil ito dahil sa natanggap na mga pambabatikos.

Binatikos ang vlogger na si Kaputol Soy matapos lumabas sa resulta ng survey sa unang apat na congressional district ng Quezon City na nangunguna si Anakalusugan Rep. Mike Defensor sa karibal na si Mayor Joy Belmonte.

“Yun nga po, nakapag-decide po ako na hindi na po natin itutuloy ang ating kalye survey ng District 5 at District 6 sa kadahilanang sa pang-dalawang video ko sa District 2, marami pong nag-comment na sana mas maganda daw kung live ang aking ginawa,” ani Kaputol Soy sa video na naka-post sa kanyang YouTube channel.

Dagdag niya, malaking pagsubok ang pagsagawa ng live streaming ng kalye survey at ginawa niya raw ito dahil sa hiling ng kanyang mga follower.

“Ang problema pa natin diyan pag naka-live, kung mapapansin n’yo po ‘yung mga video ko nung (District) 1 tsaka 4 edited po ‘yun… mapapansin n’yo maraming cut. Kina-cut po kasi natin ‘yung mga salita na hindi naman dapat na marinig pa ng mga taumbayan o ‘yung masasakit na salita na makakasakit tayo ng damdamin ng ating mga candidate kaya ang ginagawa natin kina-cut natin ‘yun. Kaya mapapansin n’yo po habang kayo’y nanonood. May cut po talaga inaamin ko ‘yun,” paliwanag ni Kaputol Soy.

Kaya naman sinumatotal na lang ni Kaputol Soy ang resulta ng ginawa niyang survey kung saan nasa 419 indibiduwal ang tinanong niya para sa mayoral election.

Base sa tally, may pinakamaraming boto si Defensor sa 162 votes (38.66%) habang si Belmonte ay may 138 votes (32.94%), 119 naman ang undecided (28.40%).

Samantala, ang running mate ni Defensor na si Councilor Winnie Castello (107 votes) ay nasa likod ni Vice Mayor Gian Sotto (141 votes).

248 katao lamang ang bumoto ng kanilang vice mayor.

The post Defensor nanaig kay Belmonte sa QC kalye survey first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/defensor-nanaig-kay-belmonte-sa-qc-kalye-survey/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=defensor-nanaig-kay-belmonte-sa-qc-kalye-survey)