Nangako si Anakalusugan Rep. Mike Defensor na bibigyan ang maliliit na negosyante sa Quezon City ng madaling access sa pautang para matulungan ang mga ito na palawakin ang kanilang mga negosyo.

Sa pakikipag-usap ni Defensor sa mga residente ng Veterans Village, Barangay Holy Spirit sa District 2 kamakailan, sinabi nito na ang mga pautang ay walang interes at hindi kinakailangan ng collateral.

“Wala ng kung anu-ano pang application (requirement), wala ng Quezon City ID, basta kayo merong ID na kinikilala ng gobyerno senior citizens, SSS (Social Security System), driver’s license aprubado na,” pahayag ni Defensor.

Sinabi ni Defensor na ang P10,000 na pautang ay maaaring bayaran ng kasingbaba ng P100 kada buwan. Aniya, kailangan ng isang sistema upang gawing madali ang pagbabayad para sa mga nangungutang.

“Pasensya na kailangan pong bayaran kasi para yung pondo umikot mapautang din natin yung iba,” saad nito.

Plano niyang maglaan ng P2 o P3 bilyon sa P30 bilyong annual budget ng lungsod para sa loan program.

“Ngayon kailangan ang gobyerno, ngayong kailangang maramdaman ang gobyerno, ngayon niyo dapat mapakinabangan ang pondo ng ating gobyerno. ‘Yan pondo pong ‘yan ipapautang namin sa inyo walang kolateral, hindi mahirap ang aplikasyon at hindi mahirap ang pagbayad,” ani Defensor.

The post Defensor nangako madaling access sa pautang sa maliliit na negosyante first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/defensor-nangako-madaling-access-sa-pautang-sa-maliliit-na-negosyante/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=defensor-nangako-madaling-access-sa-pautang-sa-maliliit-na-negosyante)