Ikinalungkot ni Anakalusugan Rep. Mike Defensor ang kabiguan ng Quezon City government na tulungan ang mga mahihirap na pasyente na walang kakayahang mapatingin ang kanilang sarili sa doktor.

Pagsasalaysay ni Defensor sa kanyang pagbisita sa District 5 ay sinalubong siya ng isang lalaki na may malaking bukol sa kanyang leeg.

“Nilapitan ko sabi ko, ‘brod kumusta ka na? Salamat sa pagsalubong.’ Sabi niya, ‘magandang hapon po mayor,’ sabi ko ‘kumusta ka naman, anong nangyari diyan (sa bukol)?” kwento ni Defensor.

Sinabi ng lalaki na lumalaban siya sa stage 4 na cancer.

“Natigilan ho ako… dahil naisip ko, itong taong ‘to baka bukas lang hindi ko na makita, baka Pasko lang hindi ko na makita. So sabi ko, ‘ano ho brod ang ginagawa mo?’ ‘Wala po eh (sabi niya). Ang nangyari po kasi wala po talaga akong pera kaya dati po nung sumasakit maliit pa lang hindi ko ho napa-checkup…,” dagdag pa ni Defensor.

Inamin ng lalaki na wala siyang pera kahit pamasahe sa jeep papuntang ospital. Siya ay may asawa na nagtatrabaho ng part-time at isang pitong taong gulang na anak na lalaki.

Aniya, “Ganito ba yung lungsod na mayaman? Ganito ba yung lungsod na may pinakamaraming pondo? ‘Wag na natin sabihin stage 4 cancer yung makita man lang siya nung doktor, mabigyan man lang ng pag-asa, kung may gamot man lang matulungan siya.”

The post Defensor nanlumo pagkabigo ng QC tumulong sa mahihirap na pasyente first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/defensor-nanlumo-pagkabigo-ng-qc-tumulong-sa-mahihirap-na-pasyente/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=defensor-nanlumo-pagkabigo-ng-qc-tumulong-sa-mahihirap-na-pasyente)