Naniniwala si Anakalusugan Party-list Rep. Mike Defensor na ang perang nakokolekta ng pamahalaan ng Quezon City ay dapat magamit upang gumanda ang buhay ng mga residente ng lungsod.

Ito ang reaksyon ng mayoral candidate matapos lumabas na nasa P30 bilyon ang budget ng Quezon City, na siyang pinakamalaki sa lahat ng local government unit sa Pilipinas, at mayroon pa itong P28 bilyon na savings sa bangko.

“Trabaho ba ng gobyerno na magpayaman? Trabaho ba ng gobyerno na may ipon siya sa bangko? Ang trabaho ng gobyerno ang payamanin ang taumbayan, ang payamanin at ayusin ang buhay ang taumbayan, hindi kailangan na gobyerno ang mayaman,” wika ni Defensor sa gitna ng panunumpa ng Mardz Girls Club sa District 1.

Ayon kay Defensor, 2001 pa lang ay nakaupo na sa pamahalaang panlungsod ang partidong Serbisyong Bayan ni Mayor Joy Belmonte ngunit wala pa sa 20% ng populasyon ng lungsod ang nakapagtapos ng kolehiyo, batay na rin sa datos ng Philippine Statistics Authority.

Ito umano ay salungat sa ibang mga lungsod gaya ng Makati, Taguig, Maynila at Caloocan na bagamat mas maliit ang pondo sa Quezon City ay nagagawa umanong bigyan ng subsidiya ang mga mag-aaral nito.

“Tignan nyo ho ang estudyante nila may uniporme, may sapatos, may gamit sa eskuwelahan hindi ho ba kayo naiinggit dun? hindi ho ba tayo ang pinakamayaman, bakit tayo ang nahuhuli?” tanong ni Defensor.

Sakaling manalong alkalde, isa sa plano ni Defensor ang pagbibigay ng P1,000 allowance kada linggo para sa mga kolehiyong taga-Quezon City.

“50,000 x 50,000 students P2.5B lang wala pang 10% (ng budget ng city),” dagdag pa ni Defensor.

“Dapat yan ang ginagawang programa…. pag-aralin ang mga taga-Quezon City dahil pag nakapagtapos ang mga bata gaganda ang buhay ng mga pamilya, gaganda ang kinabukasan nila, aayos ang buhay ng bawat pamilya sa ating lungsod Quezon at yan po ang gagawin natin,” aniya.

The post Defensor: Pera ng QC dapat magpayaman sa residente, ‘di sa gobyerno first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/defensor-pera-ng-qc-dapat-magpayaman-sa-residente-di-sa-gobyerno/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=defensor-pera-ng-qc-dapat-magpayaman-sa-residente-di-sa-gobyerno)