Sa presyong P150,000, pinatay ang isang doktor sa Barangay Nazareth, Cagayan de Oro City.

Ayon sa ulat, umamin ang tatlong naarestong suspek na inalok sila ng P150,000 para itumba ang biktimang si Dr. Raul Winston Andutan, 62, medical director ng Maria Reyna-Xavier University Hospital.

Pinagbabaril si Dr. Andutan habang sakay ng kanyang SUV pasado alas-10 ng umaga noong Huwebes.

Ngunit bago pa makubra ng mga salarin, na pawang mga residente ng Bukidnon, ang nasabing halaga, naaresto sila noong Biyernes sa Barangay San Alonzo, Balingoan, Misamis Oriental.

Kinilala ang mga suspek na sina Jomar Pacilan Adlao, 30; Marjun Abayon Cabug at Joel Arcilla Nacua, 37.

Sa kanilang safehouse, nakumpiska ang dalawang kalibre .45 baril at isang granada.

Samantala, nakaligtas ang umano’y pangunahing suspek na si Rene Tortosa, residente ng Balingoan.

Hindi umano kilala nina Nacua at Cabug kung sino ang mastermind sa krimen ngunit sinabi raw sa kanila ni Tortosa na si Dr. Andutan umano ang sanhi ng pagkamatay ng isang pasyente.

Kalaunan isa pa umanong suspek ang nadakip na kinilalang si Felipe Tingabngab Entira, 63, sa bayan ng Balingasag.

The post Doktor itinumba sa halagang P150K first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/doktor-itinumba-sa-halagang-p150k/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=doktor-itinumba-sa-halagang-p150k)