May nakahanda umanong pera ang pamahalaan para bigyan ng tig-P5,000 nag bawat pamilyang nasalanta ng bagyong Odette, ayon kay Pangulong Rodrigo Duterte.

“May pera naman. I am giving P5,000 per family. Itong pera na nakuha ko, which I have gathered, will be sufficient for the assistance of P5,000 for everybody,” saad ng pangulo sa kanyang Talk to the People nitong Lunes.

Wika naman ni Department of Interior and Local Government (DILG) Sec. Eduardo Año, naglabas na ng isang joint circular para sa paglalatag ng guidelines na susundin sa pagbibigay ng ayuda sa mga biktima ni Odette.

Saad ng kalihim, nasa P4 bilyon ang kabuuang halaga ng kanilang ibibigay na ayuda.

“Humigit kumulang P4 billion ang pamimigay na ayuda… Ayon sa DBM (Department of Budget and Management), mare-release bukas sa mga LGUs,” pahayag ni Año.

Inaasahang matatapos ang pagbibigay ng ayuda sa loob ng 15 araw, kung saan tutulong sa pamamahagi ang mga sundalo at pulis.

The post Duterte pamumudmod P5K kada pamilya na nasalanta ni Odette first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/duterte-pamumudmod-p5k-kada-pamilya-na-nasalanta-ni-odette/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=duterte-pamumudmod-p5k-kada-pamilya-na-nasalanta-ni-odette)