Para mapalago ang mga maliliit na negosyo o ‘yung mga tinatawag na micro, small and medium enterprises (MSMEs) na tinaguriang “backbone of the Philippine economy,” isinusulong ni Senador Win Gatchalian ang pagsasabatas ng “One Town, One Product (OTOP) Philippines” sa pamamagitan ng Senate Bill No. 2366 o ang One Town, One Product Philippines Act.

Layunin ng panukalang ito na ibangon ang mga negosyong pinadapa ng pandemya, lalo na ang mga nasa kanayunan, upang makalikha ng mga trabaho at makapagbigay ng iba’t ibang livelihood opportunities.

Sa ilalim ng OTOP Philippines Program, hinihikayat ang paggamit ng mga materyales na gawang lokal pati na rin ang mga itinuturing na local skills and talents.

Sakop nito ang mga processed food, produktong ginawa sa tradisyonal na paraan, wellness products at cosmetics, agriculture-based na produkto gaya ng kape at cacao, at mga serbisyong tulad ng hilot, paglililok, at iba pa.

“Habang itinataguyod natin ang mga ipinagmamalaking sariling produkto ng bawat bayan, siyudad, at rehiyon sa buong bansa, mabibigyan din natin sila ng pagkakataong makabuo ng iba’t ibang inobasyon sa kanilang mga produkto at serbisyo na magpapalago sa kanilang lokal na ekonomiya at makapagbibigay ng mas maraming trabaho,” ani Gatchalian.

Ang konsepto ng OTOP, ayon sa Vice Chairperson ng Senate Economic Affairs Committee, ay pinapatupad na noon pang 2012. Ito’y nakapaloob sa Executive Order No. 176 s. 2003 o “Isang Bayan, Isang Produkto, Isang Milyon” at muling inilunsad noong 2017 bilang OTOP.

Sa panukala ni Gatchalian na “One Town, One Product Philippines Act,” imamandato rin sa Department of Tourism (DOT), Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), Philippine Ports Authority (PPA), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at iba pang ahensya na maglaan ng mga establisyimentong magiging OTOP Philippines hubs na nagtatanghal ng mga produktong sakop nito.

The post Gatchalian: ‘One Town, One Product’ magpapalakas sa mga MSME first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/gatchalian-one-town-one-product-magpapalakas-sa-mga-msme/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=gatchalian-one-town-one-product-magpapalakas-sa-mga-msme)