Upang mapabilis ang pagkukumpuni ng mga linya ng kuryente at iba pang power infrastructure na sinalanta ng bagyong “Odette,” hinimok ni Senador Win Gatchalian ang National Electrification Administration (NEA) na gamitin ang Electric Cooperatives Emergency and Resiliency Fund (ECERF).

May P200 milyon aniyang pondo ang ECERF para sa taong ito, ani Gatchalian.

“Sa lakas ng pinsala ng bagyong Odette, huwag naman sanang umabot pa ng pasko ang brownout sa ilang lugar sa bansa. Nananawagan ako sa NEA na gawan ng paraan ang pinangangambahan ng mga kababayan natin upang makapagdiwang sila ng pasko nang normal,” ayon sa senadora.

Una nang inihayag ni Department of Energy (DOE), gagawin nito ang lahat ng makakaya upang maibalik ang kuryente sa mga apektadong lugar kasunod ng pangamba na baka abutan pa sila ng madilim na pasko.

Sabi ni Gatchalian, mas mapapadali ang pagtatasa o pag-assess ng lawak ng pinsala at koordinasyon para sa emergency relief ng mga apektadong pamilya kapag may kuryente.

Si Gatchalian ang principal author at sponsor ng Republic Act No. 11039 o ECERF Law na layong magbigay ng agarang financial assistance sa electric cooperatives (ECs) para sa pagsasaayos ng mga nasirang linya ng kuryente at distribution facilities.

Dahil sa naturang batas, maiiwasan din ani Senador Gatchalian na ipasa ng ECs sa mga konsyumer ang ilang dagdag na gastusin sa kanilang buwanang electricity bill.

“Dahil sa fund program na ito, masisiguro natin na maibabalik agad ang kuryente sa mga apektadong lugar sa lalong madaling panahon,” ayon kay Gatchalian. (Dindo Matining)

Bianca Umali binuyangyang ang katawan sa IG

The post Gatchalian sa NEA: Saklolohan electric coops sinalanta ni ‘Odette’ first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/gatchalian-sa-nea-saklolohan-electric-coops-sinalanta-ni-odette/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=gatchalian-sa-nea-saklolohan-electric-coops-sinalanta-ni-odette)