Nakamit na ng gobyerno ang target na bilang ng mga mabakunahan sa mga lugar na unang tinutukan partikular ang NCR plus 8.

Ito ang inihayag sa Laging Handa ni Dr. Ted Herbosa, special adviser ng National Task Force Against COVID-19 sa harap ng pinalakas na vaccination rollout sa buong bansa.

Ayon kay Herbosa lumampas na sa nobenta porsiyento ang mga nakatanggap ng dalawang dose ng COVID vaccine habang mahigit isang daang porsiyento ang first dose.

“Yung focus natin na NCR plus 8. Doon sa NCR nakalampas na tayo ng 90% na fully vaccinated at over 100% yung at least once dose. So naabot natin yung tinatawag na herd immunity threshold. Hindi na tumataas ang mga bagong kaso ng COVID so ito ay isang patunay na most likely doon sa focus areas ay na-attain natin yun herd immunity threshold. Naabot natin yang numero na gusto nating makuha which was from 70%-90%,” ani Herbosa.

Gayonman, mas maganda sana aniya kung boung bansa na ang makatanggap ng full dose para makasiguring lahat ay may panlaban na sa COVID-19.

Ito ang dahlian Ayon kay Herbosa kaya mayroong round two ng National Vaccination Day para mas makapagpabakuna ang hindi pa nakatanggap ng COVID vaccine at makakuha ng full dose ang mga nakatanggap pa lamang ng single dose ng bakuna.

“Marami pa tayong ibang lugar na nasa 40 porsyento pa lang ang national average, 42 porsyento ang fully vaccinated at ang one dose ay nasa 74 porsyento. Konting konti na lang kaya this December 15, 16, at 17 uulitin natin yung part 2 ng Bayanihan Bakunahan para makadagdag tayo ng additional seven million pa ng mga Pilipino na mababakunahan,” dagdag ni Herbosa.

The post Herd immunity sa target areas naabot na — Herbosa first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/herd-immunity-sa-target-areas-naabot-na-herbosa/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=herd-immunity-sa-target-areas-naabot-na-herbosa)