Iminungkahi ng National Task Force Against COVID-19 (NTF) sa pamahalaan na idaos sa Disyembre 20 hanggang 22 ang ikalawang round ng national vaccination day para sa mga lugar na dadaanan ng bagyong Odette.

Matatandaang ang ikalawang Bayanihan Bakunahan ay naka-schedule sa Disyembre 15-17.

Ngunit dahil sa pangamba ng bagyo, iminungkahi ang pagdaraos nito sa mga lugar na maaapektuhan ng masamang panahon.

“Kami ay nag-recommend na ang ating National Vaccination Part 2 ay i-postpone muna dun sa mga dadaanan ng bagyo. From December 15 to 17, we will hold this instead on December 20 to 22,” pahayag ni Health Secretary Francisco Duque III.

Umaasa si Duque na maaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang naturang mungkahi.

Ayon sa ulat ng PAGASA, tatahakin ni ‘Odette’ ang Southern Tagalog, Gitna at Silangang Visayas, at Hilagang Mindanao.

“Kailangan po malayo sa peligro ang ating mga kababayan sa panahon nitong bagyong Odette,” dagdag pa ni Duque.

The post Ika-2 Bayanihan Bakunahan iuusad dahil kay ‘Odette’ first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/ika-2-bayanihan-bakunahan-iuusad-dahil-kay-odette/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=ika-2-bayanihan-bakunahan-iuusad-dahil-kay-odette)