Tiniyak ni Mel Defensor, ang trans daughter ni Quezon City mayoral candidate at Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor, na ipaglalaban ng kanyang ama ang karapatan ng LGBT community.

“At sino pa ba ang makakaintindi sa mga LGBT kundi ang LGBT at ang may mga anak na LGBT ‘di ba?” saad ni Mel, na sinamahan ang kanyang ama sa isa sa mga pakikipag-usap nito sa mga miyembro ng LGBT community.

Sabi ni Mel, matagal nang ipinaglalaban ng kanyang ama at ng team nito ang karapatan ng LGBT community hindi lamang sa panahon ng eleksyon.

“Ating mga lider sa Malayang Quezon City, si Mayor Mike, si Vice Mayor Winnie (Castelo) noon wala pang eleksyon, walang mga camera ay nakatutok na sa ating mga isyu,” aniya.

Si Defensor ay isa sa mga may-akda sa SOGIE bill o panukalang batas na nagbabawal sa diskriminasyon batay sa sexual orientation o gender identity o expression.

Nag-akda rin si Castelo ng katulad na panukala sa House of Representatives.

Taong 2019, pinuri ng LGBT Pilipinas si Defensor dahil sa pagpapakita ng buong pagmamahal sa kanyang trans daughter, hindi panghuhusga at sa pagmamahal sa kanya.

The post Karapatan ng LGBT community ilalaban ni Defensor first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/karapatan-ng-lgbt-community-ilalaban-ni-defensor/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=karapatan-ng-lgbt-community-ilalaban-ni-defensor)