‘Di papapasapaw sa isa’t-isa sina Kiefer Isaac Ravena ng Shiga Lakestars at Dwight Ramos ng Toyama Grouses sa banggan nila sa Japan’s 6th B.League 2021-22 regular round ngayong Sabado ng alas-4:05 ng hapon sa Ukaruchan Arena.

Asam ng dalawing Pinoy import na mabalik sa win column at mapaangat pa ang katayuan kung saan may 6-10 win-loss card ang Lakestars habang may 4-12 ang Grouses.

Humaba sa walong sunod ang talo ng Shiga nitong Lunes kontra Sun Rockers Shibuya, 95-82, sa likod ng 13 markers,6 feeds at 2 boards ni Ravena.

Galing rin sa pagkalugmok ang Grouses nitong Linggo kontra Ryukyu Golden Kings, 80-69, na rito’y nawalang saysay ang 14 pts. ni Ramos.

Balik naman sa aksiyon si Ferdinand ‘Thirdy’ Ravena III buhat sa dalawang larong ban sa pakikipaghamok ng San-En Neophoenix (3-13) sa Chiba Jets (12-4), habang didribol din ang kampo ni Kobe Lorenzo Paras na Niigata Albirex BB (2-14) laban sa Sun Rockers Shibuya (12-4). (Janiel Abby Toralba)

The post Kiefer, Dwight magtutuos first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/kiefer-dwight-magtutuos/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=kiefer-dwight-magtutuos)