Pinatunayan ng tatlong araw na pag-iikot nina Partido Reporma chairman at standard-bearer Panfilo “Ping” Lacson at running mate niya na si Nationalist People’s Coalition (NPC) chairman at vice presidentiable Vicente “Tito” Sotto III sa Visayas ang malakas at mainit na pagtanggap ng mga tao sa kanilang tambalan.

Mula Biyernes hanggang Linggo, magkakasunod na dumalaw sina Lacson at Sotto sa Cebu, Negros Oriental, at Northern Samar para makipagdayalogo sa iba’t ibang mga sektor at lokal na opisyal ng pamahalaan upang malaman ang kanilang mga problema na maaaring masolusyonan kahit ngayong nasa Senado pa sila at hindi pa nahahalal na susunod na mga lider ng bansa.

Kabilang sa mga tinungo ng Lacson-Sotto tandem at mga senatoriable na sina Dra. Minguita Padilla at Guillermo Eleazar ay ang lalawigan ng Cebu na balwarte ng mga Garcia kung saan, ang mga ito ay nakatanggap ng tiyak na suporta mula sa negosyanteng si Winston Garcia.

“Talaga namang mukhang nakuha na ng Lacson-Sotto tandem ang Cebu dahil narinig mismo natin na nagsabi si Winston Fiel Garcia na susuportahan ang tambalan nila,” banggit pa ni Partido Reporma treasurer Arnel Ty matapos ang pakikipagpulong ni Garcia sa Lacson-Sotto tandem.

Halos ganito rin ang naging sitwasyon sa Negros Oriental dahil mismong si Sotto ang nagsabi sa isang press conference sa Dumaguete City na si Lacson na ang magiging opisyal na kandidato sa pagkapangulo ng kanyang partido sa buong lalawigan.

“I, as national chairman (of NPC), and Chiquiting Sagarbarria as the provincial chairman—we already informed our party mates that in Negros Oriental we are endorsing Senator Ping Lacson as our presidential candidate,” ayon kay Sotto.

Nakatitiyak naman si National Unity Party (NUP) chairman at dating Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Ronaldo Puno na masusungkit nila ang lalawigan ng Samar bilang balwarte ng kanyang partido.

Si Puno na batikang political strategist ang campaign manager ng Lacson-Sotto tandem habang si dating House Speaker at Davao del Norte Congressman Pantaleon “Bebot” Alvarez ang namumuno sa Partido Reporma na kinaaniban ni Lacson bilang chairman.

Ayon naman kay Lacson, tagumpay ang kanilang pakikipagpulong sa iba’t ibang sektor at mga lokal na pamahalaan dahil sa magandang programa na kanilang inihain.

Aniya, “They are very receptive doon sa aming platform, especially ‘yung empowerment ng local government units because, after all, they are based here, so sila rin ‘yung—magiging partners sila sa development and other livelihood programs.”

Sa mga ginanap na mga “Online Kumustahan” sa tatlong lalawigan, inilatag ng Lacson-Sotto tandem ang kanilang isinusulong na Budget Reform Advocacy for Village Empowerment (BRAVE) program.

Layunin ng BRAVE na maibaba sa mga local government unit (LGU) ang pondo ng national government upang magkaroon ng tyansa ang mga lokal na opisyal na maipatupad ang kanilang mga programa na nakaangkla batay sa kanilang mga pangangailangan at prayoridad.

Sa isang tweet matapos ang kanilang naging pagbisita sa lungsod ng Dumaguete, pinasalamatan ni Lacson ang lahat ng mga Bisaya na nakipagpulong, nakinig at mainit na tumanggap sa kanila nina Sotto at mga pambato nila sa Senado.

“Thank you, Dumaguete City. You are not known as the ‘City of Gentle People’ for nothing. Spontaneously warm, hospitable and polite. In all sincerity, we enjoyed every single minute spent with you today. Thank you, wonderful Dumagueteños!” pahayag ni Lacson.

The post Lacson-Sotto mas tumibay sa Visayas first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/lacson-sotto-mas-tumibay-sa-visayas/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=lacson-sotto-mas-tumibay-sa-visayas)