Isinusulong ni Senadora Imee Marcos ang murang internet access para sa mga hikahos, para mas maraming Pinoy ang makapagtrabaho, makapag-aral at makapag-negosyo online.

“Kung nagbibigay ng ‘lifeline rates’ o mga diskwento sa mga konsyumer ng tubig at kuryente, bakit hindi tayo makapagbigay ng kaparehong diskwento para sa internet access?” diin ni Marcos.

Ang ‘socialized pricing mechanism’ o ang mekanismo para sa akmang presyo para sa mga hikahos ang solusyon sa gitna ng mabagal na pagpapapalawak ng libreng wifi sa mahihirap na lugar, na pwede nang ipatupad ng gobyerno at mga kumpanya ng telekomunikasyon, ayon sa Senate Bill 2012 o ang “Public Telecommunications Policy Act of the Philippines.”

Ang Marcos bill ay nagsasaad ng lifeline rate para sa broadband at tagal ng paggamit ng data ayon sa pagkonsumong hindi bababa sa one gigabyte (1GB) kada buwan.

“Ang mga mababa lang ang kita na gumagamit ng internet ay mas nangangailangan ng higit sa mga paminsan-minsang mga mobile promo, lalo na’t nagiging pangunahing pangangailangan na rin ang internet katulad ng tubig at kuryente. Magiging permanente na ang mga work-from-home, online classes, e-commerce at internet banking,” ayon sa chairman ng Senate economic affairs committee.

Ika-48 na pwesto ang Pilipinas sa kabuuang 110 na bansa sa Digital Quality of Life Index 2021, ranggong pinababa ng mahal na internet, ayon sa Surfshark, isang cybersecurity firm na base sa Netherlands.

Sa iba pang apat na criteria, nasa pang-20 ang ranggo ng Pilipinas pagdating sa kalidad ng internet, pang-30 naman sa internet security, pang-63 sa e-infrastructure at pang-67 sa e-government. (Dindo Matining)

Jak Roberto isiniwalat kung kailan siya na-inlab kay Barbie Forteza

The post Lifeline rate para sa WiFi, ipatupad na – Imee first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/lifeline-rate-para-sa-wifi-ipatupad-na-imee/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=lifeline-rate-para-sa-wifi-ipatupad-na-imee)