Kinalampag ng Malacañang ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) kaugnay sa ulat na nagtaas ng singil sa pamasahe ang mga provincial bus partikular sa mga bumibiyahe sa Cavite patungong Metro Manila.

Sinabi ni acting Presidential Spokesman Karlo Nograles na pinapa-validate na nila sa LTFRB ang ulat para malinawan kung binigyan ba ng permiso ang mga provincial bus na magtaas ng singil sa pamasahe.

“Amin na po iyan kinol [called] iyong attention ng LTFRB. Ni-refer na po namin iyong concern na iyan sa LTFRB,” ani Nograles.

Ang LTFRB ang nagtatakda at nagbibigay ng permiso sa mga petisyon ng transport sector para magtaas ng pasahe.

Umaangal ang mga pasahero mula sa Cavite dahil tumaas ng mula P20 hanggang P25 ang kanilang pamasahe patungo sa Metro Manila gayong wala naman umanong iniaanunsiyo ang LTFRB para sa fare hike ng provincial buses.

Mula sa dating pamasahe na P45 bago mag-pandemic ay naniningil na umano ngayon ang mga pampasaherong bus sa Cavite ng P65 hanggang P70.

The post LTFRB kinalampag ng Palasyo sa taas-pasahe ng provincial bus first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/ltfrb-kinalampag-ng-palasyo-sa-taas-pasahe-ng-provincial-bus/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=ltfrb-kinalampag-ng-palasyo-sa-taas-pasahe-ng-provincial-bus)