Pumalo na sa 17 milyon ang mga manggagawa sa bansa na kumpleto na ang bakuna kontra COVID, ayon sa tala ng Department of Labor and Employment (DOLE) ngayong Miyerkoles.

Sa panayam kay DOLE Assistant Secretary Dominique Tutay, sinabi nito na maganda ang naging epekto ng tatlong araw na ‘Bayanihan Bakunahan’ para dumami ang bilang ng mga manggagawang bakunado.

“Mula po sa 10 million prior to the 3-day vaccination po, tayo po ay nasa 17 million na po ang fully vaccinated na workers,” saad ni Tutay.

Gayunman, batid ng ahensya na marami pa ring manggagawa ang hindi pa natuturukan.

“Malaking bagay po ito pero kung titingnan mo po sa labor market ay marami pa po tayong kailangang mabakunahan,” aniya.

Batay sa tala ng Philippine Statistics Authority, nitong Oktubre ay nasa 43.83 milyon ang manggagawang may trabaho sa bansa.

Matatandaang naglabas ng panibagong kautusan ang pamahalaan kung saan hihingian ng negatibong resulta ng RT-PCR test kada dalawang linggo ang mga empleyado na hindi pa bakunado.

The post Manggagawang bakunado 17-M na – DOLE first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/manggagawang-bakunado-17-m-na-dole/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=manggagawang-bakunado-17-m-na-dole)