Naglabas ng bagong panuntunan ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) tungkol sa maximum capacity ng mga public utility vehicle (PUV) sa Metro Manila at mga karatig-lugar.

Ayon sa inilabas na Memorandum Circular no. 2021-076 nitong Lunes, pinapayagan na ang mga PUV na magsakay ng hanggang 70% ng kanilang kapasidad.

Ang kautusan ay epektibo mula ngayong Huwebes, Disyembre 9, hanggang Enero 4, 2022.

Bukod sa Metro Manila, sakop din ng memorandum ang mga PUV na bumibiyahe sa Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal.

Para sa ibang mga lugar, pinapayagan na rin ng LTFRB ang pagsasakay ng hanggang 70% ng kapasidad ng mga PUV kung ang lugar ay nakapagbakuna na ng 30% ng kanilang populasyon ngayong buwan.

Gayunman, nagpaalala ang LTFRB na tuloy pa rin ang pagpapatupad ng kautusan gaya ng pagsusuot ng face mask, pagbabawal sa pakikipagusap sa ibang pasahero o sa telepono, pagbabawal sa pagkain, regular na disinfection, social distancing, at hindi pagsasakay ng pasaherong may sintomas ng COVID.

The post Mas maraming sakay sa PUVs aprub sa LTFRB first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/mas-maraming-sakay-sa-puvs-aprub-sa-ltfrb/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=mas-maraming-sakay-sa-puvs-aprub-sa-ltfrb)