Nagsimula nang magsi-lakihan ang alon sa Dinagat Islands matapos itaas ang Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) sa No. 3 sa Dinagat Islands.

Ayon kay Governor Arlene Bag-ao sa panayam sa DZBB, wala na umanong pumapalaot na mangingisda sa lugar dahil sa malakas at matataas na alon.

“Mataas na ‘yung alon, mas mataas na sa kaninang madaling araw. Sa tingin ko naabot na niya na ‘yung parang 3 to 4 meters height at dahil high tide ngayon, mataas ‘yung dagat,” saad ni Bag-ao

“‘Initially, ‘yung damage kaagad ngayon ay wala kaming mangingisda na nakakapangisda in the last three days, so ‘yung ine-expect naming harvest everyday para sa mga lokal namin na mga merkado ay talagang wala,” dagdag pa nito.

Samantala, sinabi rin ni Bag-ao na 1,997 pamilya or 6,310 indibidwal na ang inilikas sa lugar.

Nanawagan din si Bag-ao ng tulong mula sa gobyerno at Department of Social Welfare and Development (DSWD), upang madagdagan ang mga relief goods para sa mga tao sa susunod na tatlong araw.

The post Matataas na alon dahil kay Odette namataan sa Dinagat first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/matataas-na-alon-dahil-kay-odette-namataan-sa-dinagat/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=matataas-na-alon-dahil-kay-odette-namataan-sa-dinagat)