Umalma si reelectionist Pasig City Mayor Vico Sotto sa isang trust rating survey kung saan makikitang kaunti lang ang lamang niya sa kalaban sa 2022 elections na si Vice Mayor Christian ‘Iyo’ Caruncho-Bernardo.

Sa kanyang social media post noong Martes, sinabi ni Sotto na fake news ang naturang survey.

“COMELEC spokesperson na po ang nagsabi ha. Fake din po yung ganitong survey para sa VM, Cong, at Konsehal,” saad ni Sotto sa kanyang post, kung saan isinama niya ang screenshot ng tweet ni Commission on Elections (Comelec) spokesperson James Jimenez.

“Gagawa na lang sila ng fake survey, di pa nila pinalamang yung kandidato nila,” dagdag pa ni Sotto. “Dumadami ang fake news. Maging mapanuri. Kailangan PROACTIVE tayo laban dito.”

Sa naturang pekeng survey, nakakuha si Sotto ng 52%, habang 47% naman ang nakuha ni Caruncho-Bernardo at 1% ang undecided.

May titulo rin itong ‘SWS Survey Trust Approval Rating’ na isinagawa umano mula Nobyembre 1 hanggang Disyembre 1, at isinagawa ng SWS PASIGPH CHAPTER.

Ngunit kinumpirma rin ni Jimenez na hindi totoo ang survey.

“The COMELEC has not commissioned or participated in any ‘Transparency Survey’. Nor have I been able to verify this infographic’s authenticity, with the SWS,” aniya.

The post Mayor Vico nadale ng pekeng trust rating survey first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/mayor-vico-nadale-ng-pekeng-trust-rating-survey1/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=mayor-vico-nadale-ng-pekeng-trust-rating-survey1)