GENERAL TRIAS, Cavite – Solidong suporta ang ipinakita ng mga Caviteño kina Partido Reporma chairman at presidential candidate Panfilo “Ping” Lacson at sa running mate niya na si Senate President Vicente “Tito” Sotto III sa kanilang “Online Kumustahan” sa lalawigan ngayong Biyernes.

Maagang nag-abang ang mga supporter ng tambalang Lacson at Sotto sa General Trias Sports Park upang mapakinggan ang mga plataporma ng kanilang mga kandidato para sa pagkapresidente at bise presidente sa Halalan 2022.

Dumalo rin sa pagtitipon ang mga senatorial candidate ng Partido Reporma na sina Dr. Minguita Padilla, retired Gen. Guillermo Eleazar, habang nakasama sa pamamagitan ng Zoom si Monsour del Rosario.

Kabilang rin sa mga dumalo sa ikalawang pagkakataon ng pagbisita nila sa Cavite ang brodkaster at host na si Raffy Tulfo na tumatakbo rin bilang senador at guest candidate sa ilalim ng Lacson-Sotto ticket.

Sa kanyang paglilibot sa tinaguriang “Land of the Brave,” nakapokus pa rin ang lehitimong Caviteño na si Lacson sa paglalatag ng kanilang mga plataporma para sa kaunlaran ng mga barangay sa ilalim ng Budget Reform Advocacy for Village Empowerment (BRAVE), at pag-aalis ng katiwalian o kotong sa kalsada at gobyerno.

Tulad ng mga naunang ‘Online Kumustahan’ sa iba’t ibang mga probinsya sa bansa, mahigpit pa ring ipinatupad ang mga health protocol sa mga lumahok sa nasabing pagtitipon upang makaiwas sa COVID-19 tulad ng pag-observe sa physical distancing at pagsusuot ng mga face mask.

The post Mga Caviteño tiwala sa tambalang Lacson-Sotto first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/mga-caviteno-tiwala-sa-tambalang-lacson-sotto/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=mga-caviteno-tiwala-sa-tambalang-lacson-sotto)