Nahihirapan ang Department of Foreign Affairs (DFA) na mapauwi sa bansa ang mga Pilipinong stranded sa South Africa dahil sa panganib ng Omicron COVID variant.

Ito ang inihayag sa Laging Handa press briefing ni DFA Undersecretary Sara Lou Arriola sa harap ng ikinakasang repatriation efforts ng gobyerno sa Disyembre 10 at 13.

Ayon kay Arriola, humigit kumulang isang daang mga Pilipino ang stranded sa pitong mga bansang nasa red list sa Europe at pitong mga bansa rin sa South Africa.

“We have more or less 50 Filipinos stranded in Europe and we just received words from our post sa South Africa na mayroon pong around 49,” ani Arriola.

Mayroon na aniya silang inaayos na repatriation sa Disyembre 10 at 13 mula sa Netherlands para maasistehan ang mga Pilipinong nais na umuwi sa bansa ngayong holiday season.

Lahat ng mga papauwiing stranded Filipinos mula sa Europe ay ididretso sa Netherlands para makasabay sa repatriaition.

“Mayroon din po tayong inaayos na December 13, again from Netherlands, kasi kung hindi po magkasya doon sa—magpi-piggyback po tayo sa kanilang repatriation effort. Ganoon din po iyong gagawin natin sa South Africa kaya lang medyo mas mahirap po doon dahil most of the transit countries talaga hindi rin gustong papasukin iyong mga flights from South Africa,” dagdag ni Arriola.

Nanawagan ang opisyal sa mga stranded na Pilipino na makipag-ugnayan agad sa mga embahada para maasikaso ang pagbiyahe ng mga ito at matulungang makauwisa Pilipinas, sa harap ng mga paghihigpit sa iba’t ibang mga bansa dahil sa Omicron virus.

“Nakikiusap po kami, makipag-ugnayan po tayo sa ating mga embahada so that we can help you. Medyo complicated lang po itong system na ‘to compared sa dating repatriation efforts na ginagawa natin dahil dati iyong mga restrictions, iyong red list countries, iyon repatriation within the country. Magsabi po sila sa mga embahada so that we can make arrangements kasi mayroon din po talaga mga arrangements po ‘yan kasi hindi po kayo puwedeng sumakay ng kahit anong eroplano lang,” wika ni Arriola.

Kabilang sa pitong bansa sa Europa na nasa red list ay ang Austria, Czech Republic, Hungary, Belgium, Netherlands, Switzerland at Italy, habang ang mga bansa naman sa South Africa na nasa red list din ng gobyerno ay ang South Africa, Botswana, Zimbabwe, Namibia, Lesotho, Eswatini at Mozambique.

The post Mga OFW na stranded sa South Africa hirap mapauwi sa ‘Pinas – DFA first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/mga-ofw-na-stranded-sa-south-africa-hirap-mapauwi-sa-pinas-dfa1/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=mga-ofw-na-stranded-sa-south-africa-hirap-mapauwi-sa-pinas-dfa1)