Nanawagan ang producer ng isa sa mga pelikulang isinabak sa Metro Manila Film Festival (MMFF) na suportahan muna ang mga pelikulang Pilipino sa kabila ng pagkasabik ng publiko sa ‘Spider-Man: No Way Home.’

“Para po sa nagsasabi na, ‘Sana hindi na natuloy ang MMFF at mauna na po si Spider-Man,’ pakihintay nalang po sa January 8, please,” wika ni Atty. Joji Alfonso, isa sa mga producer ng “Kun Maupay Man It Panahon.”

“In the meantime, tangkilikin naman po natin ang pelikulang Pilipino,” saad nito sa kanyang talumpati matapos tanggapin ang parangal ng kanilang pelikula bilang 2nd Best Picture.

Naobserbahan ng marami na kakaunti ang mga sumuporta sa walong pelikulang kasali sa MMFF ngayong taon.

Ilan sa nakikitang dahilan ng mas kakaunting nanood sa mga sine ay ang takot sa COVID, presyo ng ticket, at ang kaalaman na nagbukas na ang mga sinehan.

Bukod pa rito, ilan sa mga netizen ang dismayado dahil sa Enero 8, 2022 pa ipapalabas sa Pilipinas ang pinakabagong pelikula ni Spider-Man, samantalang sa ibang bansa ay ngayong Disyembre na ito ipinalabas.

Ang Enero 8 na pagpapalabas sa Spider-Man ay isang araw pagkatapos ng huling araw ng MMFF.

“Sobra-sobra po naming pinaghirapan lahat ang paggawa ng mga pelikulang ito. Sana naman po huwag niyo naman kaming pabayaan,” dagdag pa ni Alfonso.

The post MMFF producer: ‘Support local, hintayin na lang si Spider-Man’ first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/mmff-producer-support-local-hintayin-na-lang-si-spider-man/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=mmff-producer-support-local-hintayin-na-lang-si-spider-man)