Pabor ang Malacanang sa mungkahing magbahay-bahay ang local government units para mas marami ang mabakunahan laban sa COVID-19.

Sa harap na rin ito ng marami pa ring ayaw magpabakuna habang ang iba ay hindi umano makapunta sa vaccination sites.

Sinabi ni acting Presidential Spokesman Karlo Nograles na siya ring tagapagsalita ng Inter-Agency Task Force na maganda ang ideya lalo na kung lahat ng LGUs ay gagawin ito.

Mayroon na aniyang ibang lokal na pamahalaan na gumagawa nito pero mas tataas ang vaccination rate at mabilis na maabot ang target population protection kung lahat ng LGUs ay gagawin ang house-to-house vaccination.

“Pinalawak na natin ang vaccination sa LGUs, but yes of course yung ating panghihikayat at pag-house-to-house, ‘yon ‘yung best practices na nakikita natin sa mga LGUs na mataas ‘yung bilang ng mga nabakunahan nila. Kung lahat ng LGUs ay magkaroon ng ganyang inisyatiba especially para sa senior citizens natin at saka with those comorbidities, mas maganda po ‘yan,” ani Nograles.

Bagamat umabot sa mahigit walong milyong Pilipino ang nabakunahan sa tatlong araw na national vaccination day, hindi naabot ng gobyerno ang target na siyam na milyong mabakunahan sa tatlong araw na aktibidad.

Sinabi ni Nograles na ilan sa nakitang problema sa Bayanihan Bakunahan ay ang walk-ins na hindi nabakunahan, ang iba ay namimili ng brand ng bakuna, at ang maagang pagsasara sa vaccination centers na siyang ika-calibrate sa second round ng national vaccination.

Umapela si Nograles sa publiko na huwag pumili ng bakuna dahil lahat ng ginagamit ngayon ng gobyerno ay mabisa laban sa COVID-19 at aprubado ng mga eksperto.

“Kailangan paulit-ulit po nating banggitin at i-remind ang lahat, wala na dapat ‘yung brand preference, kung ano pong meron diyan, ‘yan po lahat ng vaccines natin ay safe and effective para sa lahat. Wala na ‘yung brand preference, kung ano yung nandiyan magpaturok na tayo,” dagdag ni Nograles.

The post Mungkahing house-to-house vaccination OK sa palasyo first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/mungkahing-house-to-house-vaccination-ok-sa-palasyo/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=mungkahing-house-to-house-vaccination-ok-sa-palasyo)