Pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang isang Executive Order para sa regulasyon ng presyo ng mga gamot sa bansa.

Sinabi ni acting Presidential Spokesman Karlo Nograles na ang EO ay naglalayong makabili ng mura subalit de kalidad na gamot ang publiko at mabawasan ang gastos sa maintenance sa mga sakit.

“President Duterte has signed an executive order that would regulate the prices of drugs and medicines used to address the leading causes of morbidity in the country,” ani Nograles.

Pirmado ng Pangulo ang EO no. 155 noong December 7, 2021.

Nakapaloob sa direktiba ni Pangulong Duterte na ang price regulation ay ipapatupad sa 34 na drug molecules at 71 drug formulas sa pamamagitan ng Maximum Retail Price (MRP) at Maximum Wholesale Price (MWP), gaya ng analgesics, anesthetics, anti-angina, antiarrhythmics, anti-asthma at chronic obstructive pulmonary disease medicines, antibiotics, anticoagulants, anticonvulsants, anti diabetic drugs, antidiuretics at antiemetics.

Sakop din ng EO ang mga gamot na ginagamit laban sa glaucoma, anti-hypercholestermia, antihypertensive, anti-neoplastic, anticancer, anti parkinson’s, psoriasis, iron-chelating agents at iba pa.

Kinakailangan ding ilagay sa gamot sa pamamagitan ng red strip ang “MRP, RETAIL PRICE NOT TO EXCEED; at UNDER DRUG PRICE REGULATION” para sa tamang presyo ng gamot.

Sasailalim sa review ng Department of Health at Department of Trade and Industry ang listahan ng mga gamot na sakop ng EO kada anim na buwan matapos itong maipatupad.

Ang mga mapapatunayang hindi susunod na direktiba ay pagmumultahin ng mula P50,000 hanggang limang milyong piso alinsunod sa probisyong nakapaloob sa Republic Act 9502 o ang Universally Accessible Cheaper and Quality Medicines Act of 2008.

The post Mura ngunit de kalidad na gamot swak sa bagong EO ni Duterte first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/mura-ngunit-de-kalidad-na-gamot-swak-sa-bagong-eo-ni-duterte/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=mura-ngunit-de-kalidad-na-gamot-swak-sa-bagong-eo-ni-duterte)