Wala pang tinitingnang target ngayon ang National Task Force Against COVID-19 kung ilan ang plano nilang mabakunahan sa ikalawang round ng national vaccination day na itinakda sa Disyembre 15 hanggang 17.

Sinabi ni acting Presidential Spokesman at Inter-Agency Task Force Spokesman Karlo Nograles na tuloy-tuloy naman ang vaccine rollout kaya bahala na ang local government units na magtakda ng target sa kanilang mga nasasakupan.

“Ayaw kong pangunahan ‘no iyong vaccine and the reason why hindi pa kami nagbibigay ng target is kailangan matandaan po natin na—or maintindihan natin na tuluy-tuloy pa naman ‘no, tuluy-tuloy pa rin iyong ginagawa nating bakunahan cepende na rin siguro sa pagsi-set ng targets per LGU. Because some LGUs maganda naman ang performance ‘di ba so we’ll make the recalibration na lang din then come up with an indicative target,” ani Nograles.

Hindi naman aniya tumitigil ang pagbibigay ng bakuna sa mamamayan hanggang sa Disyembre 15 at magtutuloy-tuloy ito hanggang mayroong supply ang gobyerno na maibigay para sa proteksiyon at kaligtasan ng publiko.

Iminungkahi ni Nograles na magtakda ng sistema ang mga lokal na pamahalaan para sa mga nakapag-pre register na at sa mga walk-in para maiwasan ang siksikan pagdating ng second round ng national vaccination day.

Binigyang-diin ng kalihim na kailangan pa ring isaalang-alang ang social distancing dahil hindi pa COVID-free ang bansa at nananatili ang banta ng mabagsik na virus sa mga Pilipino.

“Kaya nga ang pakiusap po namin na bagama’t mayroon po tayong ganiyang sistema na preregistration, I think the LGUs must also be prepared to have a separate system for walk-ins ‘no. So ayusin na lang po natin,” dagdag ni Nograles.

The post Nograles: Hindi magtatakda target na bilang sa part 2 ng Bayanihan Bakunahan first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/nograles-hindi-magtatakda-target-na-bilang-sa-part-2-ng-bayanihan-bakunahan/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=nograles-hindi-magtatakda-target-na-bilang-sa-part-2-ng-bayanihan-bakunahan)