Pinuna ng Commission on Audit (COA) ang binayarang P14.97 bilyon ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) sa ilalim ng interim reimbursement mechanism (IRM) nang walang legal na batayan.

Ayon sa COA, nagbayad na ang PhilHealth ng P14.97 bilyon sa may 711 healthcare institutions (HCIs) bago pa man natapos ng mga ito ang kanilang serbisyo.

Sa 2020 PhilHealth report, ang nasabing paglabas ng pondo ay salungat sa Presidential Decree No. 1445 o ang Government Auditing Code, na nagbabawal sa advance payment para sa mga serbisyo, supply at materyales na hindi pa naihahatid sa ilalim ng mga kontrata ng gobyerno “maliban sa paunang pag-apruba ng Pangulo.”

Anang COA, maituturing na iligal na paggasta ang kawalan ng pruweba na may legal na batayan ang paglalabas ng IRM fund o paunang pag-apruba ng Pangulo ng Pilipinas.

“Absence of proof showing that IRM fund releases have legal bases or prior approval of the President of the Philippines justifying exemption from the prohibition against advance payments, the disbursements made under the IRM scheme were without legal authority and could be considered illegal expenditures,” pahayag ng COA.

Noong March 2020, naglabas ang PhilHealth ng Circular No. 2020-0007 na nag-aapruba sa IRM funds bilang “advance payments for the provision of substantial aid to eligible/qualified HCIs directly hit by the COVID-19 pandemic.”

The post P14B advance payment ng PhilHealth pinuna ng COA first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/p14b-advance-payment-ng-philhealth-pinuna-ng-coa/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=p14b-advance-payment-ng-philhealth-pinuna-ng-coa)