Sakali mang matalo siya sa presidential race sa 2022 ay hindi na talaga babalik sa pag-boboksing si Senador Manny Pacquiao.

“Wala na po sa isipan ko pag-comeback sa boxing. Natapos ko na boxing career ko,” saad ni Pacquiao sa isang panayam ngayong Miyerkoles.

Nitong Setyembre ay inanunsyo ni Pacquiao ang pagreretiro sa boxing – ang larangan na nag-ahon sa kanya sa hirap at naglagay sa kanya sa tugatog ng kasikatan.

“At least nakapagbigay ako, nakapag-ambag ako ng karangalan sa ating bansa at nakapagtalaga tayo ng record ng history ng boxing. Masaya na po ako doon,” aniya.

Dugtong pa niya, hindi na siya aatras pa sa presidential race.

“Ang tanging makakapag back out sa akin kung may instruction ang Panginoon sa akin na wag akong tumuloy,” dagdag pa ng dating boksingero.

Sakaling mang hindi palarin maging pangulo, may plano na si Pacquiao.

“Ang gagawin ko mayroon naman akong pamilya, mag-focus ako sa mga anak ko and then ’yung konting maliit na business namin mag focus na rin, saka magtanim sa farm namin,” aniya.

The post Pacquiao ‘di na babalik sa boksing ‘pag natalo first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/pacquiao-di-na-babalik-sa-boksing-pag-natalo/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=pacquiao-di-na-babalik-sa-boksing-pag-natalo)