Pinagtibay ng Kamara de Representantes ang resolusyon na kumikilala kay Filipino Chess Grandmaster Eugenio ‘Eugene’ Torre, ang kauna-unahang lalaking Asyano na nakapasok sa World Chess Hall of Fame.

Sinabi sa House Resolution 2389 na hindi maikakaila ang karangalan na ibinigay ni Torre sa bansa at dapat lamang itong kilalanin ng mga Pilipino.

Sinimulan ni Torre ang kanyang karera noong 1974 nang manalo ito ng silver sa 21st Chess Olympiad sa Nice, France sa edad na 22. Ito ang nagtatak sa kanya bilang kauna-unahang Asyano na nagkwalipika sa titulong grandmaster.

Siya rin ang kauna-unahang Pilipino na tumalo sa noon ay World Chess Champion at Russian icon na si Anatoly Karpov.

Si Torre ang kumatawan sa bansa sa 23 Chess Olympiads kung saan siya nanalo ng dalawang silver at tatlong bronze medals. Siya rin ang may hawak ng titulong may pinakamaraming naging laban sa Chess Olympiad na umabot sa 270.

Noong Abril 20, 2021 ay inaprubahan ng Federation Internationale des Echecs Council na maisama si Torre sa World Chess Hall of Fame kung saan nakasama niya ang mga kinikilala sa larangan ng Chess gaya nina Mikhail Botvinnik, Tigran Petrosian, Vasily Smyslov, Borris Spassky, Mikhail Tal, Alexander Alekhine, Anatoly Karpov, Garry Kasparov, Robert James Fischer, at dating Chinese World Women’s champion Xie Jun.

The post Pagkilala sa tagumpay ni Eugene Torre pinagtibay ng Kamara first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/pagkilala-sa-tagumpay-ni-eugene-torre-pinagtibay-ng-kamara/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=pagkilala-sa-tagumpay-ni-eugene-torre-pinagtibay-ng-kamara)